Sunday, July 7, 2013

Ang Hangad ng Karaniwang Pilipino.

Sa umaga ng ika-15 ng Nobyembre 2003, lumitaw sa kamalayan ng karamihan ng mga Pilipino ang pangalang Manny Pacquiao. Sa kabila ng kanyang nagsisimula pa lamang ngunit matagumpay na karera sa boksing, iyon ang unang pagkakataon nang marinig natin lahat ang pangalan niya sa radyo at telebisyon bilang isang bahagi na ng kulturang popular. Sapagkat, ang araw na iyon ay ang araw na natalo niya si Marco Antonio Barrera,  para mapanalunan ang titulo ng kampeon sa Featherweight division ng boksing. Iyon mismo ang laban na nagpakilala sa kanya bilang unang Asyano at Pilipino na naging kampeon sa tatlong weight-divisions.
Bilang isang sikat na boksingero sa buong mundo, malaki ang naging epekto ng kanyang imahe sa karaniwang Pilipino. Pagbalik niya sa Pilipinas, binigyan agad siya ng mga gantimpala na ating mga politiko. Ang dating presidenteng si Gloria Macapagal Arroyo ay nagbigay ng Presidential Medal of Merit, isang gantimpala na hindi lang binibigay ng basta-basta. Hindi naman nagpatalo ang House of Representatives, dahil sa susunod na araw, binigyan si Pacquiao ng Congressional Medal of Achievement, siya ang unang atleta na nakatanggap ng ganitong gantimpala. Pinakitaan siya ng pagmamahal sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo na ang kanyang bayang kinalakhan, sa General Santos City, kung saan nagkaroon pa siya ng parada sa kanyang pagbalik. 
Ngunit hindi ito tumigil, sa kurso ng kanyang karera, siya ay naging unang tao sa kasaysayan ng boksing na naging kampeon sa walong weight-divisions, nagawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapanalo ng laban sa mga magagaling at tanyag na boksingero tulad ni Marquez, Morales, Larios, Diaz, De La Hoya, Hatton, Cotto, Clottey, atbp. 
Ang naging karanasan ko sa aking paglaki, ay ang pagsaksi sa kanyang naging impluwensiya sa lipunan natin. Tuwing nagkalaban siya sa Estados Unidos, wala kang makikitang tauhan sa labas ng kanilang bahay, wala kang makikita sa mga kalye, kahit kotse. Ang buong Pilipinas ay tahimik, walang krimen ang nangyayari, lahat nakatutok sa pambansang kamao. At pagkatapos niyang manalo sa kanyang laban, babalik siya sa Pilipinas sa isang maligayang pagdating para sa isang bayani. 
Hindi madalas para sa atin, na mabanggit ang pangalan ng isang Pilipino sa entablado ng mundo, mas lalo na sa antas na naigawa ito ni Pacquiao. Para sa atin, minsan-minsan lang natin nakikita na ang Pilipino ay ang naging matagumpay, o ang kampeon sa isang larangan. Dahil dito, maaari nating sabihin na naging napakaimpotante si Pacquiao sa pagbuo ng isang makabagong pambansang pagkakakilanlan. Tulad ni Lea Salonga, Charice, apl.de.ap, Jessica Sanchez, atbp. bilang mga kapwang Pilipino na sumikat at nakarating sa kamalayan ng buong mundo. 
Ang nais nating ipalabas sa mundo ay sila na ang bagong imahe ng karaniwang Pilipino, talentado, mapagpakumbaba, relihiyoso at parating nagsisimula bilang underdog o ang api-apihan. Ngunit hindi lang iyon ang layunin, sila rin ang nagsisilbi sa ating lipunan, bilang mga bagay na hinahangaan, bilang aspirasyon ng bawat Pilipino. Sa isang kolektibong pananaw, sila ang nagtatanggal ng inferiority complex na pinagdudusahan ng bawat Pilipino, isang kalunus-lunos na pamana ng kolonyalismo. Kaya sa lahat ng mga ito, hindi lang naman ang pagpapanalo ng mga laban ang nagawa ni Manny Pacquiao para sa atin, ngunit ang paglitaw ng isang makabagong pagkakakilanlan bilang Pilipino, iyan siguro ang pinaka-makabuluhang kontribusyon niya sa kasaysayan ng ating kulturang popular.


Mga imahe mula sa:
http://www.gq.com/sports/profiles/201004/manny-pacquiao-boxer
http://www.huffingtonpost.com/dave-hollander/when-it-comes-to-manny-pa_b_347551.html